2.2 million na pasahero dadagsa sa mga pantalan sa Semana Santa – PPA

2.2 million na pasahero dadagsa sa mga pantalan sa Semana Santa – PPA

Tinatayang aabot sa 2.2 million ang bibiyahe sa mga pantalan sa bansa sa paggunita ng Semana Santa ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).

Kaugnay nito ay naglabas ng memorandum order si PPA General Manager Jay Santiago na nagtatakda ng “No Leave Policy” at “Full Manpower” complement sa lahat ng pantalan na sakop ng PPA bilang tugon sa inaasahang dagsa ng mga pasahero.

Sa ilalim ng kautusan, ipatutupad muli ng ahensya ang “No Leave Policy” sa mga kawani nito epektibo mula ika-3 hanggang ika-10 ng Abril 2023.

Ayon kay Santiago, kabilang dito ang  lahat ng kawani ng PPA na nasa frontline services para agarang makapagbigay serbisyo sa mga pasahero ngayong Holy Week.

Base sa passenger traffic statistics ng PPA noong Semana Santa 2022 mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, umabot sa halos 1.3 milyon ang mga pasaherong naitalang bumiyahe sa mga pantalang pinamamahalaan ng ahensiya.

Bago ang Semana Santa ay binuksan na ang mga bago at malalaking terminal ng PPA na inaasahang dadagsain rin ng mga pasahero.

Kabilang na rito ang pinakamalaking Passenger Terminal Building ng Port of Calapan, at ang dalawang Port Operations Building ng Port of Coron, Palawan at Masbate Port.

Pinapaalalahanan ng PPA ang publiko partikular na ang mga pasahero na planuhin na ng mas maaga ang kanilang biyahe at iwasan ang last minute booking dahil ito ang isa sa mga nagiging sanhi ng abala at pagkaantala lalo’t dagsa na ang tao sa mga pantalan. (DDC)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *