All systems go na para sa Summer MMFF Parade of Stars – MMDA
Handa na ang lahat sa idaraos na Parade of Stars para sa Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) na gaganapin sa Quezon City sa April 2.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magsisimula ang parada sa Villa Beatriz, 4:00 ng hapon na katatampukan ng mga float ng walong kalahok na pelikula kabilang ang Apag; Singlebells; About Us But Not About Us; Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko; Unravel: A Swiss Side Love Story; Here Comes The Groom; Yung Libro Sa Napanuod Ko; at Love You Long Time.
Magsisilbing staging area para sa mga float ang dalawang outer lane mula sa Villa Beatriz patungong North Zuzuarregui.
Dadaan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang parada patungo sa Quezon Memorial Circle.
Ayon kay MMDA Acting Chairman at concurrent MMFF Over-all Chairman Atty. Don Artes, magtatalaga ang ahensya ng 780 na tauhan para tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga dadalo sa parada.
Ang Quezon City LGU naman ay magtatalaga din ng 1,202 personnel.
Ang mga pelikulang kalahok sa Summer MMFF ay ipalalabas sa mga sinehan sa April 8 hanggang 18. (DDC)