466 na babaeng Customer Relations Officers ipinakalat sa Metro Manila
Aabot sa 466 na babaeng Customer Relations Officers para sa Philippine National (PNP) Quality Service Lane ang opisyal na ipinakalat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Edgar Alan O. Okubo.
Bago ang deployment, ang mga nasabing pulis ay sumabak sa dalawang araw na seminar upang maging handa na female uniformed personnel sa mga himpilan ng pulisya na may Quality Service Desk/Lane, nasa tamang pananaw, mabuting asal, kakayahan, abilidad, moralidad at malawak na kaalaman bilang Customer Relations.
Itatalaga sila sa QSL Desks sa lahat ng NCRPO police stations para tugunan ang mga hamon at maabot ang mga demand o pangangailangan at inaasahan ng publiko ukol sa paghahatid ng mga serbisyo ng pulisya.
Nabatid na kasama sa kanilang tungkulin ang pagbibigay ng inisyal na point of contact sa lahat ng karaingan o problema ng publiko na nangangailangan ng police services; maagap na pag-analisa sa mga suliranin upang maresolba o maidulog sa kinauukulang opisina para maaksiyunan; at matiyak ang napapanahong feedback o resulta nito.
Hinikayat ni Okubo ang mga CROs na palawakin pa ang kanilang natutunan at bigyan ng pinakamagandang aerbisyo ang publiko.
“Gamitin ninyo ang inyong mga natutunan at ibigay sa taumbayan ang serbisyong nararapat para sa kanila dahil marami pa tayong programa at proyekto para sa kapakanan ng ating mga kababayan at pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Metro Manila,’ ani Okubo.
Binigyang garantiya nito na paiigtingin pa ng NCRPO ang mga programa nito sa mga barangay upang ang komunidad ay makita, maramdaman, at magustuhan ang mga pulis sa pamamagitan ng maximum deployment sa mga lugar na kinakailangan.
Siniguro rin ni Okubo na magsasagawa ang NCRPO ng mga panghinaharap na inobasyon para sa tunay na pananaw sa pamamagitan ng mga aktibidad at pagtugon ng mga pulis.
“Align with our intention to weed out rogue police officers among our ranks and to recognize those good police officers, we will come up with faster, more reliable, and more responsive system to get from the community both positive and negative feedbacks. We will generate more real time feedback toward our vision of well-disciplined, accommodating, and well-mannered NCRPO police,” dugtong ng NCRPO chief. (Bhelle Gamboa)