3 Chinese at kasabwat na Pinoy arestado sa “illegal detention” sa Parañaque
Dinakip ng otoridad ang tatlong Chinese national at kasabwat na Pilipino dahil sa reklamong illegal detention sa dalawang indibiduwal sa loob ng Velaa Junket sa Okada Manila, sa Parañaque City.
Nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek na kinilalang sina Duan Li, 36-anyos; Huan He, 3-anyos; Zhongjie Liao, 28-anyos, pawang mga Chinese nationals at ang Pinoy na si Mark Anthony Buenaventura y Carbonel, 27-anyos,isang freelance driver.
Samantala ang mga biktima ay sina Panpan Guan at Gemma Rose Baldemor, na nawalan umano ng ₱100,000 na halaga ng casino chips habang naglalaro ng baccarat sa loob ng Okada Manila.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima ay ikinulong umano magmula alas- 6:00 ng umaga hanggang 8:45 ng gabi ng Marso 27.
Pinagbantaan umano na huwag lumabas ang dalawang biktima at sinasabing ilegal na dinetine sa Velaa Junket.
Nagdemand umano ang mga suspek ng ₱100,000 sa mga biktima kapalit ng kanilang paglaya.
Narescue ang mga biktima matapos makahingi ng tulong si Baldemor sa isang kaibigan na nagpabatid sa Okada Manila Security Team na nagresulta ng pagkakaaresto ng apat na suspek. (Bhelle Gamboa)