BASAHIN: Mga sintomas ng heat stroke at mga dapat gawin kapag nakaranas nito
Dahil sa tumitinding init ng panahon muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa posibleng heat stroke.
Ayon sa DOH, dahil sa matinding init ng araw ngayon, maaari ito maging sanhi ng heat stroke bunsod ng mabilis na pagtaas ng temperatura ng katawan.
Maaaring magdulot ng heat stroke ang mainit at maalinsangang panahon, pag-e-ehersisyo sa kasagsagan ng mainit na panahon, dehydration, at sobrang exposure sa init ng araw.
Kabilang sa sintomas nito ang pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng ulo, lagnat na lagpas sa 40 degrees Celsius, kulang o sobrang pagpapawis, pamumula, mainit at tuyong balat pangangalay at pamumulikat.
Ang taong nakararanas ng nasabing mga sintomas ay dapat agad dalhin sa indoors o lilim na lugar, pahigain at i-elevate ang mga binti.
Mas mainam din kung mapapainom ito ng malamig na tubig.
Dapat ding palamigin ang katawan sa pamamagitan ng pag-alis ng kanilang damit, punasan ng malamig na tubig ang katawan at pahanginan.
Maaari ding mag-apply ng ice packs sa kanilang kili-kili, wrist, ankles at groin at dalhin sa ospital.
Ayon sa DOH, ang mga bata at nakatatanda ang vulnerable sa heat stroke kaya dapat silang bantayan.
Ngayong mainit ang panahon, dapat iwasan ang matagal na pananatili sa outdoors, dapat laging uminom ng tubig, magsuot ng lightweight, light-colored, at loose-fitting na damit.
Dapat ding iwasan muna ang pag-inom ng mayroong caffeine gaya ng kape at tsaa. (DDC)