18 munisipalidad apektao ng oil spill dahil sa paglubog ng MT Princess Empress – DENR
Labingwalong munisipalidad pa rin ang apektado ng oil spill dulot ng paglubog ng MT Princess Empress sa karagatan ng Naujan Oriental Mindoro.
Sa datos mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), kabilang sa mga apektado ng oil spill ang 13 munisipalidad sa Oriental Mindoro, 2 sa Batangas, 2 sa Palawan at 1 sa Antique.
Sa monitoring ng ahensya umabot sa 2,251 na ektarya ng coral reefs ang napinsala sa Oriental Mindoro at 1,286 na ektarya ng seagrass sa Oriental Mindoro at Western Visayas.
Sa kinulektang water samples sa Mimaropa at Western Visayas mayorya dito ay lumagpas sa water quality guidelines.
Ibig sabihin maaaring hindi ito ligtas at maaaring delikado sa kalusugan ng tao at marine life.
Patuloy ang ginagawang off shore at shoreline response ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Sa pinakahuling update ng Coast Guard, 10,163 liters na ng oily water mixture at 123 na sako ng oil-contaminated materials ang nakulekta sa kanilang offshore oil spill response operations.
Sa shoreline response naman, 2,644 na sako na ng oil-contaminated materials ang nakulekta sa mga apektadong barangay sa bayan ng Naujan, Bulalacao, at Pola, Oriental Mindoro. (DDC)