Pagtatatag ng Inter Agency Task Force na tututok sa preparasyon para sa FIBA Basketball World Cup 2023 iniutos ni Pangulong Marcos
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatatag ng Inter Agency Task Force na susuporta sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa preparasyon ng FIBA Basketball World Cup 2023 na gaganapin sa bansa.
Sa inilabas na Administrative Order No. 5, nakasaad na ang Task Force ay pamumunuan ng chairperson ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang iba’t ibang ahensya naman ng gobyerno ay kailangang may kinatawan sa Task Force kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang mga pinuno ng nasabing mga ahensya ay inatasan na ibigay ang kanilang suporta at tulong sa PSC at SBP sa mga gagawing preparasyon.
Kasama rin sa direktiba ang paghikayat sa mga Local Government Units (LGUs) na tumulong para sa pag-oorganisa ng nasabing event. (DDC)