357 na ektaryang lupa ng BuCor planong gawing Bucor Global City
Pinag-aaralan na ng Bureau of Corrections na gawing BuCor Global City ang nasa 357 n ektaryang lupa nito sa Muntinlupa City.
Ito ang inihayag ni BuCor Director General,Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. sa sideline ng command conference sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Gen. Catapang parerentahan ang naturang lupain sa loob ng 25 taon para may magagamit sa pagpapatayo ng bagong gusali na paglilipatan ng mga bilanggo kung saan target na pagtatayuan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Binigyan-diin ng BuCor Chief na kailangan ng sapat na pondo para sa kanyang Modernization Program at gawin magaan ang kalagayan ng mga inmates kung saan sila malilipat sa mga regional penal farm.
Habang ang 50 na ektarya buhat sa 357 na ektaryang lupa ay gagawing agri-industrial para sa seguridad ng pagkain o may mapagkukunan ng mga supply nito.
Idinagdag pa ng opisyal na kabilang sa balak ng Bucor ang pagtatayo ng katulad sa Philippine Arena o gymnasium na may 30,000 na kapasidad at mga commercial building sa mga lupain ng BuCor. (Bhelle Gamboa)