Mga nasunugan sa Plaza Quezon, tinulungan ng Las Piñas
Nagpaabot ng kaukulang tulong ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas City sa mga nasunugang kababayan sa Plaza Quezon sa lungsod.
Pinangunahan ni City Vice Mayor April Aguilar kasama ang mga kinatawan ng Las Piñas Disaster Risk Reduction Management Office, City Health Office, City Social Welfare and Development Office, at ng Bureau of Fire Protection ang agarang relief operations para sa 26 na apektadong pamilya o 88 na indibiduwal na pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Barangay Elias Aldana.
Nabatid na kabilang sa mga ipinamahaging tulong mila sa lokal na pamahalaan sa mga biktima ay ang packed meals, modular tents, grocery items, sleeping kits, at hygiene kits.
Noong Marso 24 dakong alas 7:29 ng gabi naganap ang sunog sa San Jose Street (Plaza Quezon) sa naturang barangay.
Patuloy pang iniimbestigahan ng otoridad ang sanhi nang nangyaring insidente sa lugar. (Bhelle Gamboa)