LTO magpapatupad ng heightened alert simula Mar. 31 bilang paghahanda sa Semana Santa at Summer Vacation 2023
Kasado na ang paghahanda ng Land Transportation Office (LTO) para masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero at motorista sa panahon ng Semana Santa at bakasyon.
Sa March 31 araw ng Biyernes hanggang sa Abril 10 ay itataas ang heightened alert ng buong puwersa ng LTO kaugnay ng “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa and Summer Vacation 2023.”
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, tututukan ng LTO ang pangkalahatang kaligtasan sa lansangan kabilang ang roadworthiness inspection sa mga bibiyaheng public utility vehicle (PUV) gayundin ng mga terminal at ang pag-alalay sa mga motorista.
Magsasagawa din ng random drug testing sa mga driver at konduktor ng mga PUV.
Maliban sa mga pangunahing lansangan sa Hilaga at Katimugang bahagi ng National Capital Region, kikilos at magbabantay ang mga tauhan ng LTO sa mga terminal sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa. (DDC)