PCG handa na sa pagpapatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos”; heightened alert paiiralin simula sa Apr. 2
Nakahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtitiyak ng kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa pantalan sa paparating na Semana Santa at Summer Vacation.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, idedeklara ang “heightened alert” mula Apr. 3 hanggang Apr. 10, 2023.
Ito ay para masiguro ang maayos na maritime operations at komportable ang biyahe ng mga residente na uuwi sa kani-kanilang probinsya at mga turistang bibisita sa mga tourist destinations.
Sakop ng pag-iral ng heightened alert ang K9 units, medical teams, security personnel, harbor patrollers, vessel inspectors, at deployable response groups.
Sa ilalim ng pagpapatupad ng Oplan Biyahe Ayos, paiigtingin ang presensya ng PCG sa mga port passenger terminals at sa katubigan ng bansa para mabantayan ang maritime traffic.
Ibinahagi rin ni Abu na magkakaroon ng first aid at rescue equipment facilities ang PCG sa mga matataong tourist destinations para agad na maka-responde sa oras na magkaroon ng hindi inaasahang insidente.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Abu na patuloy pa ring tututukan ng PCG ang oil spill response operations sa Oriental Mindoro. (DDC)