Limang empleyado ng Bacolod City Hall nahuli na nanonood ng TV habang naka-duty
Pinuna ng mayor ng Bacolod City ang mga empleyado ng City Treasurer’s Office na nanonood ng TV habang sila ay naka-duty.
Pinaalalahanan ni Mayor Alfredo Abelardo Benitez ang limang empleyado ng naturang tanggapan na gampanan ng tapat at maayos ang kanilang trabaho.
Dapat aniyang ang tapat at maayos na pagseserbisyo ang pangunahing prayoridad ng mga empleyado ng City Hall.
Ayon kay Benitez, isang concerned citizen ang nagpadala sa kaniya ng larawan kung saan kita ang mga empleyado na nanonood ng TV, 3:00 ng hapon.
Ayon naman kay City Administrator Pacifico Maghari III inisyuhan na notice to explain ang mga sangkot na empleyado.
Binigyan sila ng 48-oras para magsumite ng paliwanag.
Nagpalabas din ng memorandum na nag-aatas ng pagtatanggap ng lahat ng television sets sa mga tanggapan na sakop ng city government.
Ayon kay Maghari tanging ang mga television sets na kailangan sa work-related purposes ang pananatilihin. (DDC)