Mensahe ni Pangulong Marcos sa pagsisimula ng Holy Month of Ramadan: Isabuhay ang disiplina, respeto, at pagpapakumbaba
Nakikiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsisimula ng pagdiriwang ng Ramadan ng mga kapatid na Muslim sa buong mundo.
Inihayag ng pangulo na ang banal na buwan na ito ay isang mahalagang pagkakataon upang maisabuhay ang mga aral ng Islam tulad ng disiplina, pagrespeto, at pagpapakumbaba.
Hinikayat din ng pangulo ang buong sambayanang Pilipino na isapuso ang diwa ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananaig ng pagmamahal sa lahat ng pagkakataon.
Kasabay ng pasasalamat sa Maykapal sa mga nasagot na dasal, hinikayat ng pangulo ang bawat isa na isama din sa panalangin ang mga nagugutom, naapektuhan ng kalamidad at nakararanas ng iba pang hirap sa buhay.
Ayon sa pangulo, sa paggunita ng Ramadan ay ipinapaalala sa bawat isa na anuman ang pananampalataya ay mahalaga ang pagbibigay aruga sa kapwa. (DDC)