LTO nagtakda ng price cap sa paniningil ng mga driving school para maiwasan ang overpricing

LTO nagtakda ng price cap sa paniningil ng mga driving school para maiwasan ang overpricing

Nagtakda ang Land Transportation Office (LTO) ng pamantayang halaga ng sisingilin ng mga pribadong driving institution sa mga mag-aaral ng pagmamaneho.

Kasabay nito ang mahigpit na babala ni LTO Chief Jay Art Tugade na maaaring managot o mapagmulta ang anumang driving school na maniningil ng labis o hindi makasusunod sa isinasaad ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 o “Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Standardization of Driver and Conductor’s Education.”

Epektibo ang Memorandum Circular Abril 1 kung saan nakasaad na ang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng mga pribadong driving institution para sa Theoretical Driving Course (TDC) ay hanggang P1,000.

Itinakda naman ang pinakamataas na halaga ng sisingilin sa sasalang sa Practical Driving Course (PDC) sa P2,500 para sa kukuha ng lisensyang may code A at A1; hanggang P4,000 para sa license codes B, B1, at B2; at P8,000 para sa mga heavy vehicle na may license code C o Carrier of Goods (Truck), D o (Passenger Vehicles (Bus), at CE o Articulated Vehicles.

May katapat na multang P50,000 at anim na buwang suspensyon ng akreditasyon ang mga driving school na lalabag sa unang pagkakataon; multang P100,000 at hanggang isang taong suspensyon para sa ikalawang beses na paglabag; at revocation o pagkansela na ng akreditasyon kung lalabag pa rin sa ikatlong pagkakataon.

Samantala, nakasaad sa bagong panuntunan ang binawasang araw para makumpleto ang mandatory 15-hour na TDC.

Mula sa dating tatlong araw, maaaring tapusin ng aplikanteng driver ang kurso sa loob ng dalawang araw – pitong oras sa unang araw at walong oras sa susunod na araw.

Ang practical driving naman ay kailangang isagawa nang hindi bababa sa walong oras sa bawat license code na kukunin ng aplikante.

Inoobliga na rin ang mga driving school na ipasok sa LTO system ang mga detalye ng bawat aplikante, gamit ang Land Transportation Management System (LTMS) Client ID upang matukoy ang totoong petsa ng pagsisimula ng TDC nito sa gitna ng isyu ng “non-appearance” ng ilang aplikante. (DDC)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *