Pangulong Marcos nanawagan kay Cong. Teves na umuwi na sa bansa
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. na bumalik na sa bansa.
Ayon sa pangulo, mayaman at may private jet si Teves at kaya maaari itong agad makauwi sa bansa.
Kung ang idinadahilan aniya ng mambabatas ay ang banta sa kaniyang buhay, sinabi ni Marcos na maaaring sa Basa Air Base ito lumapag at tiniyak ng pangulo na magtatalaga ng mga sundalo para sa kaligtasan nito.
Pinayuhan ng pangulo si Teves na huwag nang patagalin at pahirapin pa ang sitwasyon.
“Habang tumatagal ito, mas nagiging mahirap ang sitwasyon mo, ngayon marami pang options… ‘Pag masyado nang late, wala na, mapipilitan na ang gobyerno kumilos without having any discussions with him.” ayon sa pangulo.
Ginawa ng pangulo ang panawagan sa sidelines ng kaniyang pagdalo sa ika-126 na founding anniversary ng Philippine Army. (DDC)