4,000 metric tons ng smuggled na asukal ibibigay ng Customs sa DA para maibenta sa Kadiwa Centers
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang rekomendasyon ng Sugar Regulatory Authority (SRA) na ibigay bilang donasyon sa Department of Agriculture (DA) ang 4,000 metric tons ng nahuling smuggled refined sugar upang maipagbili sa publiko sa mga Kadiwa Centers.
Ang mga asukal ay ibebenta sa halagang katumbas ng actual mill gate prices na sa ngayon ay nasa P70 per kilo.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ipinag-utos din ng pangulo na makipag-ugnayan ang DA at SRA sa Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro na ang naturang mga asukal na ipagbibili ay ligtas at pasado sa Food Safety Act at iba pang regulasyon.
Batay sa Curtoms Modernization and Tariff Act (CMTA), ang mga nakukumpiskang ilegal na iniangkat na mga produktong agrikultura ay maaaring ibigay sa pamamagitan ng donasyon sa ibang ahensiya ng pamahalaan.
Są kasalukuyan, ang presyo ng refined sugar sa merkado publiko ay naglalaro sa pagitan ng P86 at P110 bawat kilo. (DDC)