Higit P400M na halaga ng shabu naharang ng BOC-NAIA sa warehouse sa Pasay
Naharang ng Bureau of Customs (BOC) ang 59.93 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng
P400,724,000 na isang shipment na nakadeklarang spare parts mula sa Guinea, Africa, sa Pair Cargo Warehouse sa Pasay City nitong Marso 20.
Mismong si BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, kasama si BOC Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy,ang nag-inspeksiyon ng naturang shipment sa naturang warehouse.
Ito ay matapos makita ng NAIA Customs X-ray operatives ang kahina-hinalang imahe ng nasabing padala kaya nagsagawa ng physical examination ang Customs Examiner sa naturang package na naglalaman ng kilo-kilong Methamphetamine Hydrochloride o shabu, sa kumpirmasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang PDEA kaugnay naman sa consignee na hindi binanggit ang pangalan, na nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings para sa paglabag sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10863 o Customs Modernization Act (CMTA).
Nanindigan ang BOC-NAIA sa ilalim ng paggabay ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na poprotektahan ang bansa laban sa anumang uri ng smuggling na nakatuon sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Pinaigting pa ng BOC-NAIA ang kanyang pagiging mapagmatyag at mapanuri laban sa illegal na produkto at ginagawa ang mga hakbang para proteksiyonan ang hangganan o border upang maabot ang target na koleksiyon sa buwis at matiyak ang seguridad ng kalakalan. (Bhelle Gamboa)