Baybayin sa isa pang barangay sa Naujan, Oriental Mindoro nakitaan ng oil spill
Isa pang barangay sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro ang iniulat na naapektuhan ng oil spill.
Agad nagtungo sa Barangay Estrella si Naujan Mayor Henry Joel C. Teves matapos iulat ng mga residente na may nakita silang oil spill sa baybayin, Biyernes (Mar. 17) ng umaga.
Sa pakikipag-usap ni Teves sa kapitan ng barangay ay nakumpirmang langis nga ang nakulekta ng isang residente sa Sitio Kanluran 1.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) para malaman kung ang nakitang langis ay nagmula nga sa lumubog na MT Princess Empress.
Agad namang nagtulung-tulong ang mga residente sa lugar sa paggawa ng improvised spill boom upang mapigilan o malimitahan ang patuloy na pagpasok ng langis sa kanilang barangay.
Inikot din at pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente sa nasabing coastal barangay na maging handa at patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan para na rin sa kanilang kaligtasan. (DDC)