Bilang ng nasisitang mga motorista at riders sa Exclusive MC Lane sa Commonwealth Ave, bumaba
Bilang ng nasisitang mga motorista at riders sa Exclusive MC Lane sa Commonwealth Ave, bumaba
Aabot sa 1,494 na motorista at riders ang nasita sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para sa unang apat na araw ng dry run sa exclusive motorcycle lane ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes.
Ayon sa MMDA Chief na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga nasisitang mga sasakyan sa dry run para sa exclusive MC lane sa Commonwealth Avenue magmula sa Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.
Sinabi sa pulong balitaan ni Artes na ang mga motorcycle riders at drivers ng 4-wheel vehicles ay sumusunod na at nasasanay na sa polisiyang nakatakdang ipatupad sa Marso 20.
Noong Marso 9, sa unang araw ng dry run, nasita ng MMDA ang 276 na motorsiklo at 61 na 61 four-wheel vehicles o kabuuang 337 na sasakyan.
Habang 368 na motorsiklo at 201 four-wheel vehicles o kabuuang 569 na sasakyan ang nasita ng ahensya noong Marso 10.
Noong Marso 11,aabot sa 186 drivers ng four-wheel vehicles o kabuuang 363 na sasakyan ang nasita samantalang nitong Marso 12 ay nasa 128 na motorcycle riders at 97 four-wheel vehicles o kabuuang 225 na sasakyan ang sinita ng MMDA.
“We are hopeful that these numbers will continue to decline as we continue to guide our motorists for another week of test run for the exclusive motorcycle lane in the largest highway in the metropolis,” sabi ni Artes.
Aniya ang ahensya ay nakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways na magsagawa ng patch works upang maging maayos ang kalsada na sisimulan ngayong linggo.
Tinitignan din ng MMDA ang paglalagay ng mga reflectors at solar street lamps upang ilawan ang lugar bilang tulong na rin para makaiwas sa mga aksidente.
Inilahad din ni Artes ang posibleng implementasyon ng paglalagay ng exclusive MC lane sa ibang pangunahing lansangan sa Metro Manila kung magiging matagumpay ang kanyang pilot run sa Commonwealth.
Umapela rin si Artes sa mga motorista na bigyan ng pagkakataon ang polisiya at tumalima sa mga panuntunan sa kalsada. ( Bhelle Gamboa)