Chinese na nagpapanggap na doktor arestado ng PNP sa Pasay City
Dinakip ng mga otoridad ang isang Chinese national na nagpanggap bilang medical doctor at kasabwat nito matapos ireklamo ng kanilang kababayang pasyente sa Pasay City.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director, Brigadier General Kirby John Kraft matagumpay ang ikinasang police operation na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek na sina Yongsheng Yang, alyas “Yi Sheng Yang”, 53-anyos; at Liu, Yong Liu, 49-anyos.
Ikinasa ang operasyon dahil sa reklamo ng isang Haohan Zheng, 26-anyos at isa ring Chinese national.
Ayon sa report, nagpa-check up ang biktima sa nagpakilalang doctor na si Yi Sheng Yang alyas Yongsheng Yang dahil sa sakit sa tiyan at pagtatae o diarrhea.
Binigyan umano ang biktima ng Chinese medicine ng nasabing suspek at pinababalik ng Marso 10 ng alas-3:00 ng hapon dahil mayroong hindi maganda umano sa kanyang pribadong katawan na kinakailangan ng operasyon o surgery.
Sinasabing ang doctor ay naggagamot na walang medical license o permiso mula sa Board of Medical Examiners.
Dahil dito agad tumugon ang mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) sa reklamo ng biktima na ikinaaresto ng dalawang Chinese nationals.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sec. 12, Art. III of RA 2382 (The Medical Act of 1959) at R.A. 9711 (FDA Act of 2009). (Bhelle Gamboa)