Baybaying dagat sa ilang lugar sa Masbate, Bohol, Zamboanga del Sur at Surigao del Sur, positibo sa red tide toxins
Positibo sa red tide toxins ang baybaying dagat sa ilang mga lugar sa bansa ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon sa inilabas na Shellfish Bulletin ng BFAR, hindi ligtas kainin ang mga shellfish na nakukulekta mula sa coastal waters ng Milagros sa Masbate; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Ito ay dahil nananatiling lagpas sa regulatory limit ang nakitang Paralytic Shellfish Poison (PSP) o nakalalasong red tide sa nasabing mga lugar.
Dahil dito ayon sa BFAR, lahat ng uri ng shellfish at maging ang alamang na mula sa nasabing mga baybayin ay hindi ligtas kainin.
Nananatili namang ligtas ang kumain ng isda, pusit, hipon at alimango basta’t tiyakin lamang na sariwa ang mga ito at nahugasang mabuti. (DDC)