Team mula sa Japan na tutulong sa oil spill response, dumating na sa bansa
Dumating na sa bansa ang mga Japanese expert na tutulong sa pagtugon sa pinsala ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Dumating sa headquarters ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga kinatawan mula sa Japan Disaster Relief (JDR) Expert Team araw ng Biyernes, March 10.
Ang JDR Expert Team ay pinangunahan ni Mr. Daisuke Nihei, Minister of Economic Affairs ng embahada ng Japan sa Pilipinas.
Binubuo sila ng walong miyembro na pawang mula sa Japan Coast Guard (JCG), Embassy of Japan in the Philippines, at Japan International Cooperation Agency (JICA).
Tiniyak ng team mula sa Japan na tutulong sila sa nagpapatuloy na oil spill response operations.
Ang oil spill ay dulot ng paglubog ng MT PRINCESS EMPRESS na may kargang 800,000 liters ng industrial fuel oil.
Susuporta din ang JDR Expert Team sa imbestigasyon hinggil sa lawak ng pinsala at magbibigay ng gabay sa ginagawang oil removal and control activities.
Magkakaloob din ang Japanese Government ng mga kagamitan gaya ng oil blotters, oil snares, at oil-proof working gloves. (DDC)