ARAL Program Act pasado na sa ikatlong pagbasa sa senado
Naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang Senate BIll No. 1604 o Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, layunin ng nasabing panukalang batas na matulungan ang mga estudyante na nahihirapang makabawi sa kanilang mga lesson.
Sa sandaling maisabatas na ang ARAL Program Act, magkakaroon ng ARAL Program para mabigyan ng libreng tutorial ang mga mag-aaral upang makabawi sa mga learning loss.
Magsisilbing tutor sa ilalim ng programa ang mga guro at PARA-teachers na tatanggap ng dagdag na bayad pa rasa kanilang serbisyo.
Maaaring gawin ang tutorial sessions sa pamamagitan ng face-to-face, online o blended learning.
Prayoridad sa ilalim ng panukalang batas ang reading at numeracy.
Batay kasi sa Southeast Asia Preliminary LEarning Metrics na inilabas noong 2019, 10 percent lamang ng mga estudyante sa Pilipinas ang nakaabot sa minimum reading standard at 17 percent naman sa minimum mathematical standard. (DDC)