Unang araw ng tigil-pasada sa NCR hindi gaanong nakaapekto sa mga mananakay
Maliit lang ang naging epekto sa mga mananakay ng unang araw na tigil pasada ng mga transport group na tutol sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Acting Chairman Don Artes nakatulong ang maagang contingency measures ng gobyerno.
Sa datos ng Inter-Agency Task Force Monitoring Team Secretariat, 88 lamang sa 1,680 na sasakyan na idineploy ng national government at Metro Manila local government units ang nagamit para sa mga apektadong pasahero.
Umabot sa 3,584 na pasahero ang naserbisyuhan ng mga libreng sakay.
Sinabi ni Artes na konti lamang ang mga PUV drivers na lumahok sa transport strike.
Sa pangkalahatan naman sinabi ni Police Col. Roman Arugay, Operations Officer ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office, naging mapayapa at maayos ang idinaos na transport strike. (DDC)