Limang Chinese nationals arestado sa “illegal detention”
Limang Chinese nationals ang inaresto ng otoridad dahil umano sa kasong illegal detention sa Parañaque City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jiang Lincheng, 25-anyos, restaurant worker; Wu Yazhou, 30-anyos, supermarket worker; Li Siyuan, 32-anyos; Ding Fei, 24-anyos, restaurant worker; at Chen Liqiang, 36-anyos, businessman.
Ayon sa report ang insidente ay nangyari umano mula alas-11:50 ng umaga hanggang 4:44 ng hapon sa OKADA Resort, New Seaside Drive, Barangay Tambo, Parañaque City nitong Marso 5.
Sa inisyal na imbestigasyon base sa CCTV footage review ng Security and Surveillance Team ng Okada Manila, ang biktima na hindi binanggit ang pangalan ay ilegal umanong ikinulong sa Room 15025.
Sinasabing nagdemand ang mga suspek ng ₱500,000 bilang kabayaran sa kanyang utang at kapalit ng kalayaan nito subalit hindi nakapagbayad ang biktima kaya siya sapilitang dinala sa naturang hotel room.
Nang patungo ang mga suspek sa exit area upang sumakay sa sasakyan dito nakakuha ng tiyempo ang biktima na sumigaw ng tulong na agad napansin ng mga guwardiya na nagresulta ng kanyang pagkakarescue at pagkakaaresto naman ng mga suspek. (Bhelle Gamboa)