Railway lines handang palawigin ang operasyon para maserbisyuhan ang mga maaapektuhan ng tigil-pasada
Nakahanda ang mga railway lines sa pagpapalawig ng kanilang operasyon kung kakailanganin bunsod ng ipinatutupad na tigil-pasada ng mga transport group.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez, kabilang sa mga maaaring palawigin ang biyahe ay ang Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit-3 (MRT-3), at ang Light Rail Transit Lines 1 at 2.
Ngayong araw ng Lunes (Mar. 6) na unang araw ng transport strike, sinabi ni Chavez na mayroong total trips na 60 ang PNR, mas marami kumpara sa 46 na regular total trips nito.
Normal naman ang operasyon ng MRT-3 ngayong araw pero handa itong palawigin ang operasyon ng mga tren kung kakailanganin.
Samantala, tiniyak naman ni Light Rail Manila Corporation (LRMC) Spokesperson Jacqueline Gorospe sa DOTr na may sapat na service at manpower ang LRT-1 kung kailangan ding pahabain ang oras ng biyahe ng kanilang mga tren.
Handa rin ang LRT-2 na palawigin ang biyahe nito para maserbisyuhan ang mga pasaherong maaapektuhan ng strike. (DDC)