Mga residente sa mga bayan sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill pinaiiwas muna sa sea foods
Inabisuhan ng Provincial Health Office ng Oriental Mindoro ang mga residente sa mga bayan na apektado ng oil spill na iwasan muna ang pagkain ng anumang uri ng sea foods.
Ayon sa abiso ng Oriental Mindoro-PHO ito ay habang hindi pa tiyak kung anong chemical content ng indstrial oil spillage ang nakaapekto sa mga bayan sa probinsya.
Pansamantala ayon sa abiso, iwasan muna ang pagkain ng pagkaing-dagat na makukuha malapit sa lugar ng “oil spillage”.
Kung ang bahagi ng katawan ay na-expose o nalantad sa kontaminadong tubig, pinapayuhang hugasan itong mabuti o kaya ay maligo.
Ang mga residente naman na nasa tabing-dagat ng mga apektadong lugar ay pinalilipat muna sa ibang lugar kung sakaling sila ay nakakaamoy ng kemikal para maiwasan ang pagkakaroon ng respiratory illnesses.
Ipinayo din ng PHO na bantayang mabuti ang mga bata at huwag silang hayaang magtungo sa coastal areas, gayundin ang mga buntis at mga senior citizen. (DDC)