P150M halaga ng misdeclared na asukal naharang ng BOC-Subic
Naharang ng Bureau of Customs – Port of Subic ang mahigit 30,000 sako ng refined sugar na nagkakahalaga ng P150 milyon sa Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City, Zambales noong Marso 2.
Pinangunahan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio kasama sina District Collector Maritess Martin, DA Assistant Secretary James Layug, at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman at Administrator Rolen C. Paulino ang pagsusuri sa 58 container kung saan nakalagay ang mahigit 30,000 sako ng misdeclared refined sugar na tinatayang nagkakahalaga ng P150 milyon.
Tiniyak naman ni Commissioner Rubio na paiigtingin pa ng BOC ang kampanya laban sa smuggling lalo na ang iligal na pagpasok ng mga produktong agrikultural na lubhang nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka at maliliit na negosyante.
Samantala, binuksan din ng BOC ang dalawang container ng squid rings kung saan nakatago ang iba’t ibang frozen meat product na hindi idineklara. Nagkakahalaga ito ng P40 milyon.
Umabot naman sa 9.5 milyong pakete ng puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.42 bilyon ang narekober sa isinagawang operasyon ng BOC sa isang warehouse sa Indanan, Sulu. Ito ang pinakamalaking halaga ng smuggled na sigarilyo na nakumpiska sa isang operasyon sa ilalim ng Marcos administration.
Kasabay ng pinaigting na operasyon ng BOC ay nalagpasan din nito ang target na makolektang buwis noong Pebrero.
Nakakolekta ito ng P63.015 bilyon mas mataas sa target na P61.82 bilyon at sa nakolektang P59.43 bilyon sa kaparehong buwan noong 2022. Sa unang dalawang buwan ng taon ay P133.38 bilyon na ang nakolekta ng BOC lagpas sa P124.73 bilyong target nito.
Nangako naman si Rubio na ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga reporma sa BOC na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya. (DDC)