Hazing sa estudyante ng Adamson University, kinondena ng PTA
Mariing kinukondena ng pamunuan ng Adamson University Parents Teachers Association (ADU-PTA) ang naganap na marahas na hazing na ikinasawi ng isang estudyante ng unibersidad.
Ayon kay Mer Layson, pangulo ng ADU-PTA, nakapanlulumo, nakakaiyak at nakakagalit ang ginawa ng grupo ng isang fraternity sa 3rd year engineering student na si John Matthew Salilig na napatay sa hazing sa Laguna at ang bangkay nito ay ibinaon sa isang subdibisyon sa Imus, Cavite.
Sinabi ni Layson na nanlumo siya habang ang ibang opisyal ng ADU-PTA ay naiyak, makaraang makarating sa kanila ang impormasyon hinggil sa karumal-dumal na sinapit ni Salilig.
Ani Layson, galit siya sa mga taong responsable sa insidente na itinuturing sanang kapatiran o brotherhood ng biktima.
“Nasaan ang brotherhood nilang sinasabi kung mismong lider at miyembro ng fraternity nila ang namalo, bumugbog at nanakit hanggang mawalang malay tao ang biktima habang sakay ng SUV matapos ang initition rites at hindi pa nila dinala sa hospital at ang masaklap ay ibinaon pa lupa,” ani Layson.
Si Layson at mga opisyal ng ADU-PTA ay sumisigaw ngayon at humihingi ng hustisya para sa biktimang si John Matthew Salilig.
Inihayag pa ni Layson na ang lungkot at pighati na nadarama ngayon ng pamilya ni John Matthew ay ramdam din nila bilang bahagi ng Adamsonian family kaya kaisa nila ang pamilyang Salilig sa panawagan ng hustisya.
Si John Matthew ay nagpaalam sa kanyang pamilya noong Pebrero 18 na dadalo sa isang welcoming rites activity ng Tau Gamma Phi Fraternity sa Laguna hanggang hindi na ito nakauwi pa at ang bangkay nito ay natagpuan kahapon na nakabaon sa bakanteng lote sa isang subdibisyon sa Imus, Cavite. (DDC)