MMDA USAR team na dineploy sa Türkiye balik Pinas na
Dumating na sa bansa ang Urban Search and Rescue (USAR) Team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tumulong sa search and rescue operations sa Türkiye.
Ang MMDA-USAR Team, na pinangungunahan ni Abraham Buna, ay bahagi ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent na ipinadala ng pamahalaan sa nabanggit na bansa matapos yanigin ang magnitude 7.8 na lindol ang southeastern Türkiye at northwestern Syria noong Pebrero 6.
Nakatulong n malaki ang equipment na dala ng MMDA-USAR Team gaya ng victim locator (vibrascope), life locator machine at drone sa dalawang linggong misyon sa Türkiye.
Tumulong din ang grupo sa paglalagay ng International Search and Rescue Advisory Group (INSARAG) markings sa mga gusaling napinsala ng malakas na lindol.
Kasama rin sa 82-member Philippine contingent ang Office of Civil Defense, 525th Engineering Combat Batallion ng Philippine Army, 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force, Department of Health – Philippine Emergency Medical Assistance Team, at Subic Bay Metropolitan Authority.
Sumasaludo naman ang pamunuan ng MMDA sa nasabing team. (Bhelle Gamboa)