Oil spill sa Naujan Oriental Mindoro mas lumawak pa; MT Princess Empress tuluyan ng lumubog
Umabot sa 6 na kilometerong haba at 4 na kilometro ang lawak ng oil spill na kumalat sa katubigan sa Nauhan Oriental Mindoro matapos ang paglubog ng MT Princess Empress.
Base ito sa pinakahuling ulat ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) sa isinasagawang survellance sa katubigan ng Balingawan Point.
Kinumpirma din ng PCG response team na mula sa pagiging half-submerged ay tuluyan nang lumubog ang MT Princess Empress.
Katuwang ang Coast Guard Station Oriental Mindoro, Marine Environmental Protection Unit (MEPU)-Southern Tagalog, at M/TUG TITAN, patuloy na binabantayan ng BRP Melchora Aquino ang pinangyarihan ng insidente para makibahagi sa isinasagawang oil spill assessment at oil spill response operation.
Samantala, muli namang lilipad ngayong araw ang Coast Guard Aviation Force para magsagawa ng karagdagang aerial surveillance. (DDC)