UN-WFP nagdonate ng handling material equipment sa DSWD
Tinanggap ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga handling material equipment na donasyon mula sa United Nations – World Food Programme (UN-WFP), sa National Resource Operations Center (NROC), Pasay City, ng Pebrero 28.
Nabatid na nag-donate ang UN-WFP ng hand pallet jack, vacuum, push-pull forklift, counterbalance forklift at reach truck na ilalaan sa relief operation ng NROC at Visayas Disaster Resource Center.
Sinabi ni Sec. Gatchalian na magiging malaking tulong ang mga donated equipment upang mas mapabilis ang logistics operations ng Kagawaran sa panahon ng sakuna o kalamidad.
Matapos ang ceremonial signing, pinangunahan ng kalihim ang paglilibot sa NROC kasama ang mga kinatawan ng UN-WFP na sina Country Director Brenda Barton, Deputy Country Director Dipayan Bhattacharyya, at Head of Supply Chain Unit Kevin Howley.
Ininspeksyon ni Sec. Gatchalian ang mga warehouse at prepositioned goods ng NROC upang tiyakin na handa ang DSWD sa anumang darating na kalamidad o sakuna. (Bhelle Gamboa)