14 na crew ng sumadsad na cargo vessel sa Lubang, Occidental Mindoro, nailigtas ng PCG
Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Occidental Mindoro ang mga crew ng cargo vessel na MV MANFEL V na sumadsad sa baybayin ng Lubang, Occidental Mindoro.
Ayon sa PCG, umalis ang MV MANFEL V sa Subic, Zambales at patungo sana sa Bauan, Batangas, nang magkaproblema sa makina ang barko habang nasa bahagi ng Fortune Island.
Tinangay ng alon ang barko hanggang sa makarating sa bahagi ng 110 meters mula sa baybayin ng Barangay Maligaya.
Ayon sa PCG, ligtas naman ang lahat ng 14 na crew ng barko at dinala sa MDRRMO ng Lubang para mailsailalim sa pagsusuri.
Matapos ang kanilang health check-up, dinala sila sa Coast Sub-Station Lubang para maimbestigahan ang insidente.
Patuloy naman ang pag-monitor ng Coast Guard Station Occidental Mindoro sa cargo vessel para mabatid kung nagdulot ito ng oil spillage. (DDC)