P680K na halaga ng ‘shabu’ nakumpiska sa Oplan Galugad sa Taguig City
Halos 100 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P680,000 ang nakumpiska ng otoridad at ikinaaresto ng apat na suspek sa isinagawang Anti-Criminality Operation sa pamamagitan ng Oplan Galugad sa Taguig City.
Ang mga naarestong suspek ay sina Regie Bonanza y Cual, 34-anyos; Joselito Mendros y Deniado, 43-anyos; Bonifacio Labaguis y Pinohermoso, 42-anyos; at Ronaldo Gerani y Angeles, 29-anyos.
Dakong alas- 6:40 ng umaga nitong Pebrero 26 nagkasa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Taguig City Police Substation 8 sa Purok 11, Barangay South Daang Hari, Taguig City nang masamsaman ng hinihinalang ilegal na droga ang apat na suspek.
Agad itinurn-over ang apat na suspek sa Taguig City Police SDEU at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban dito.
(Bhelle Gamboa)