Coast Guard tumulong sa paghahanap ng nawawalang Taiwanese-flagged fishing vessel
Nag-deploy ng search and rescue (SAR) teams ang Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang nawawalang Taiwanese-flagged fishing vessel.
Lulan ng barkong SHENG FENG NO 128 ang isang Taiwanese at 5 Indonesian na mangingisda.
Huling nakita ang barko noong Feb. 17, 2023 sa 414 nautical miles northwest ng Palau.
Inatasan ng PCG Command Center ang Coast Guard Districts sa Eastern Visayas, Bicol, Southeastern Mindanao, Northeastern Mindanao, at Northeastern Luzon na magsagawa ng SAR operations gamit ang air at floating assets.
Ito ay makaraang humingi ng tulong si Taiwan Coast Guard Attaché, Commander Arthur Yang hinggil sa pagkawala ng mga mangingisda.
Nabatid na nagsagawa na din ng air surveillance ang U.S. Coast Guard (USCG) pero hindi nahanap ang barko.
Isang commercial vessel din ang tumulong sa paghahanap, gayundin ang walong Taiwanese fishing vessels.
Nag-deploy din ng Taiwan Coast Guard (TCG) cutters para magsagawa ng paghahanap.
Ayon sa PCG, nai-deploy na ang CESSNA Caravan 2081 para magsagawa ng aerial surveillance sa vicinity waters ng Eastern Visayas at Bicol regions. (DDC)