1 sa mga suspek sa pagpatay sa turistang New Zealander sa Makati City,sumuko
Sumuko na sa otoridad ang isa sa mga suspek na isinasangkot sa panghoholdap at pagpatay sa isang turistang New Zealander sa Makati City noong Pebrero 19, ayon sa Southern Police District (SPD).
Inanunsyo ni SPD District Director, Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang pagsuko sa otoridad ng suspek na si John Mhar Nagum y Manalo, alyas Lengbu,25-anyos, dakong ala-1:11 ng madaling araw ng Pebrero 24 matapos makipagkita kasama ang kanyang pamilya sa mga tauhan ng SPD Special Operations Unit, DID, DMFB, Taguig City Police Station,ParaƱaque CPS at National Capital Region Police Office (NCRPO)-DMFB sa Hill Crest Drive malapit sa Jardin De Rosal Hotel, Brgy. Oranbo, Pasig City.
Si Nagum umano ang sinasabing humoldap at bumaril sa dayuhang biktima na si Nicholas Peter Stacey,isang turista mula sa New Zealand.
Kahapon lamang ay naglabas ng P500,000 na pabuya o reward ang SPD kasama na rito ang ambag ng mga pribadong indibiduwal na inilaan para sa makakagpaturo sa kinaroroonan ni Manalo na tinukoy na suspek ng otoridad sa nangyaring insidente.
Nabatid na sa pagsuko ng suspek ay inaresto na rin ito ng otoridad sa bisa ng standing warrant of arrest na inisyu ng Malolos City,Bulacan RTC Branch 12 para sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons.
Nasa kustodiya ng SPD-DSOU ang sumurender na suspek.
Samantala nagpasalamat naman si BGen Kraft sa tulong ng mga mamamahayag sa epektibong pagpapakalat ng tamang balita kaya agaran ang pagsuko ng suspek.(Bhelle Gamboa)