Alkalde ng Datu Montawal sa Maguindanao del Sur, sugatan sa pamamaril sa Pasay City
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pasay City Police kaugnay sa motibo nang nangyaring pamamaril sa mayor ng Datu Montawal,Maguindanao del Sur na sanhi ng kanyang pagkakasugat sa Pasay City nitong Pebrero 22.
Nasa stable ng kondisyon at nagpapagaling sa Asian Hospital sa Muntinlupa City ang biktima na kinilalang si Ohto Montwal Caumbo, alkalde ng (Pagagawan) Datu Montawal, Maguindanao del sur, at nakatira sa Tunggol Datu Montawal, Maguindanao del Sur, nang magtamo ng tama ng bala sa balakang at kaliwang braso.
Patuloy pang inaalam ng otoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspek.
Sa inisyal na report, naganap ang pamamaril sa Roxas Boulevard Service Roxas, Barangay 4, Pasay City, alas-6:30 ng gabi nitong Miyerkules.
Batay sa pahayag ng kasama ng alkalde na si Ronald Caumbo y Bacor,43-anyos, isang planning officer at kalugar din ng biktima,na lulan sila ng Toyota Hi-Ace van NCN7620 patungong Gil Puyat Avenue, Pasay City nang biglang lumapit ang dalawang armadong lalaki at pinagbabaril ang kanilang sasakyan.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang mga suspek papuntang Buendia, Pasay City habang mabilis na dinala ng bodyguard si Mayor Caumbo sa Manila Hospital at kalaunan ay inilipat sa Asian Hospital, Muntinlupa City.
Kaagad na nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon sa kaso ang mga tauhan ng Pasay City Police Sub-Station 1 at nirebyu rin ang CCTV footages mula sa Brgy. 4 sa lungsod.
Narekober ang dalawang cartridge cases ng hindi pa tukoy na baril sa pinangyarihan ng insidente.
Nakatakdang kuhanan ng salaysay ang saksi sa tanggapan ng naturang pulisya. (Bhelle Gamboa)