BREAKING: Labi ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna Plane sa Mt. Mayon natagpuan na
Kinumpirma ng mga otoridad ang pagkasawi ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna Plane sa Mt. Mayon.
Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo, narating na ng mga search and rescue team ang crash site at natagpuan ang katawan nina Captain Rufino James Crisostomo Jr., Joel G. Martin, at dalawang Australian na sina Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam.
Dahil dito ayon kay Baldo mula sa search and rescue ay nag-shift na sila sa search and retrieval operations.
Samantala sa pahayag ng Richard B. Tantoco, President at Chief Operating Officer ng Energy Development Corporation (EDC) nagpaabot ito ng pakikiramay sa pamilya ng mga sakay ng Aircraft RP-C2080.
Ayon kay Tantoco, naiparating na sa kanila ng mga otoridad ang pagkakatagpo sa katawan ng apat.
Ang Aircraft RP-C-2080 ay unang napaulat na nawawala noong Sabado marapos umalis sa Bicol International Airport.
Kalaunan ay namataan ang wreckage ng Cessna Plane sa slope ng Bulkang Mayon.
Nagpasalamat naman ang EDC sa ginawang hakbang ng mga otoridad at mga rescuer mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno kabilang ang mga civilian volunteers, at EDC Emergency Response Teams na nagtulong-tulong para mapuntahan ang crash site.
Ito ay sa kabila ng napakadelikadong sitwasyon sa pag-akyat sa Mt. Mayon. (DDC)