‘Massive manhunt’ sa pumatay sa New Zealander sa Makati inutos ng NCRPO chief

‘Massive manhunt’ sa pumatay sa New Zealander sa Makati inutos ng NCRPO chief

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Jonnel Estomo ang agarang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon at maigting na manhunt operation upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek na humoldap at pumatay sa turistang New Zealander sa Makati City.

Ang insidente ay naganap sa Filmore Street, Brgy. Palanan, Makati City dakong alas-12:25 ng madaling araw nitong Pebrero 19.

Kasamang naglalakad ng biktimang si Nicholas Stacey,34-anyos, ang kanyang girlfriend na Pinay nang bigla silang hintuan ng isang
gray/black Yamaha NMAX motorcycle na may plakang 001111 kung saan agad bumaba ang backrider, tinutukan ng baril ang dayuhan at nagdeklara ng holdap.

Tinangka umano ng New Zealander na agawin ang baril subalit agad siyang binaril ng holdaper sa kaliwang dibdib na nagresulta ng agarang pagkamatay ng biktima.

Natangay ng motorcycle riding suspects ang cellphone at wallet ng dayuhan bago tumakas patungong direksiyon ng Pasay City.

Inilarawan naman ang isang suspe na nakasuot ng itim na T-shirt, gray short pants at half-face helmet habang ang isa pa ay nakasuot ng itim na T-shirt, pulang jersey shorts, walang helmet at may facemask.

Ang labi ng biktima ay dinala sa funeral homes sa Taguig City para sa awtopsiya.

“We regret to report this incident and extend our sympathy to the bereaved family. Inatasan ko na ang Makati City Police Station para sa masusing imbestigasyon at siguraduhing mahuhuli ang mga nasabing suspek na sangkot sa nangyaring holdapan at pamamaril na ito sa biktima. Pinaigting pa natin ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang ganitong krimen,” sabi ni MGen Estomo.

“Alam nating ang insidenteng ito ay maaaring magdulot at magdala ng takot sa ibang mga turistang pupunta sa ating bansa kung kaya’t sisiguraduhin nating mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing biktima at ipakitang ang kapulisan ng NCRPO ay palaging nakahandang magserbisyo hindi lamang sa ating mga kababayan kundi pati na rin sa mga dayuhan na bumibisita dito sa ating bansa,” dugtong pa ng opisyal.
(Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *