Agora Public Market ininspeksiyon ng MMDA, DTI at San Juan LGU
Ininspeksiyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at San Juan City Government ang Agora Public Market upang imonitor sa pagtalima sa suggested retail prices (SRP) ng mga bilihin.
Pinangunahan nina MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana, San Juan City Mayor Francis Zamora at DTI Assistant Secretary for Consumer Protection Group Ann Claire Cabochan ang naturang inspeksiyon sa palengke.
Maliban sa price monitoring,sinuri din ang mga ginagamit na timbangan ng mga vendors.
Sinabi ni Artes na tutulong ang mga Metro Manila mayors para siguruhin ang pagsunod sa SRP upang protektahan ang consumers o mamimili mula sa mapagsamantalang sellers.
“We will coordinate with the Metro Manila Council to conduct monitoring of prices in various wet markets in the metropolis,” ani Artes.
Ayon naman kay Mayor Zamora na sa inisyatibo nito sa market inspection ay pagtiyak sa proteksiyon ng consumers mula da iregularidad ng mga presyo.
“I want to make sure that our constituents are not being sold overpriced commodities,” paliwanag ni Zamora at idinagdag nito na ang San Juan City Government ay may Local Price Coordinating Council (LPCC) na naatasang magmonitor ng supply at mga presyo ng karaniwang mga pagkain.
Base sa pinakabagong price monitoring, ang SRP ng imported na pulang sibuyas ay ₱125 kada kilo na saklaw ang medium at large-sized nito.
Dalawang notices of violation ang inisyu laban sa retailers sa Agora Public Market dahil sa kabiguang sumunod sa SRP.
Ang Agora ay tanging pampublikong palengke na may operasyon sa San Juan. (Bhelle Gamboa)