BPI nagbabala sa publiko laban sa “spoofing”
Binalaan ng Bang of the Philippine Islands (BPI) ang publiko laban sa “spoofing” na panibagong pamamaraan ng mga scammer.
Ayon sa BPI, mas nagiging malikhain ang mga scammers para maitago ang kanilang pagkakakilanlan at para makapanloko ng kapwa.
Gumagamit aniya ang mga scammer ng SMS automation services para magpadala ng text messages at magpanggap na bahagi sila ng institusyon o kumpanya.
Ang social engineering scheme na ito ayon sa BPI ay tinatawag na “spoofing”.
Dahil dito nagpaalala ang pamunuan ng bangko sa kanilang mga kliyente na kung makatatanggap ng text message na sinasabing galing sa “BPI” at nagsasabing maaaring magkansela ng transaksyon gamit ang clickable link, hindi ito dapat paniwalaan dahil isa itong scam.
Ayon sa BPI, ang kanilang mga opisyal na mensahe na ipinadadala sa pamamagitan ng email, SMS, Viber, at Whatsapp ay hindi nagtataglay ng clickable links. (DDC)