Limang mangingisda nailigtas sa Bansud, Oriental Mindoro
Limang mangingisda ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Maritime Police, at Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office ng Bayan ng Bansud, Oriental Mindoro.
Nagtungo ang mga kawani ng Maritime Police sa opisina ng Coast Guard Sub-station Roxas para iulat ang paglubog ng FBCA La Capitana matapos hampasin ng malakas na alon dulot ng masamang panahon.
Agad nagkasa ng Search and Rescue Operations ang Coast Guard Sub-station Roxas, Coast Guard K9 Team-Roxas, Coast Guard Special Operation Unit – Roxas, Maritime Police, at MDRRMO – Bansud.
Natagumpay namang nailigtas ang limang sakay ng bangka sa karagatang sakop ng bayan ng Mansalay matapos ang ilang oras na paghahanap.
Kinilala ang mga ito na sina Edmon Manato, 52-anyos (boat captain); Jayvee Manato, 22-anyos; Rocky Madera, 23-anyos; Allen Dela Cruz, 23-anyos at Ernie Merida, 51-anyos.
Nasa maayos na kalagayan ang mga nabanggit na mangingisda na pawang dinala sa Oriental Mindoro Southern District Hospital para sa atensyong medikal. (DDC)