Apat na team nagtutulong-tulong para mahanap ang nawawalang Cessna Plane sa Camalig, Albay
Ipinagpatuloy ngayong araw ng Linggo, Feb. 19 ang paghahanap sa Cessna Plane na nawala sa bahagi ng Albay.
Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo, nag-deploy ng 218 na mga tauhan, 34 na sasakyan, 11 drones at 4 na K9 dogs para isagawa ang search and rescue operations.
Ang Cessna 340A ay iniulat na nawala habang patungo sana sa Manila.
Isang residente mula sa Purok 7 ng Brgy. Quirangay sa Camalig ang nag-report sa mga otoridad na nakarinig siya ng malakas na pagsabog matapos niyang mamamataan ang isang maliit na eroplano.
Maliban sa Brgy. Quirangay ay gagalugarin din ang iba pang priority areas.
Hinati sa apat na team ang search and rescue group na binubuo ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Energy Development Corporation (EDC) BacMan.
Lulan ng nawawalang eroplano ang piloto na si Capt. Rufino James T. Crisostomo Jr., Mechanic na si Joel G. Martin, at 2 Australian passengers na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan. (DDC)