Labi ng Pinay na namatay sa lindol sa Turkey, hinatid na sa Quezon province

Labi ng Pinay na namatay sa lindol sa Turkey, hinatid na sa Quezon province

Dumating na sa Lucena City,Quezon ang labi ng Pilipina na si Wilma Tezcan na namatay sa 7.8 magnitude na lindol sa Turkey.

Bago mag-alas 6:00 ng gabi ng Miyerkules nang lumapag ang Turkish Airlines flight TK-83 na sinasakyan ng labi ni Tezcan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kung saan kaagad na dinala sa PAIR PAGS Center na siyang nagproseso rito.

Sinalubong ito sa airport ni Department of Foreign Affairs – Office of Migrant Workers Affairs o DFA-OMWA Undersecretary Eduardo de Vega at mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Si Tezcan ay kabilang sa dalawang Pilipinong namatay sa pagtama ng lindol sa Turkiye kamakailan.

Ayon kay Usec. de Vega, matagal nang naninirahan sa Turkiye si Wilma na nakapangasawa ng isang Turkish national.

Ipinabatid din ng opisyal na naihatid na huling himlayan nito ang isa pang Pilipinong kasamang nasawi ni Tezcan sa Turkiye.

Nagpapasalamat si Mang William, ang ama ni Tezcan, sa mga taong nagpaabot ng pakikiramay at panalangin para sa kaniyang anak.

Nabatid na apat na araw ang lumipas matapos ang malakas na lindol nang matagpuan ang bangkay ng Pinay mula sa gumuhong gusali. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *