TLC Village bilang Love at the Park muling binuksan ng Taguig LGU
Binuksan muli ng lokal na pamahalaan ng Taguig City ang TLC Village bilang Love at the Park kung saan maaaring ipagdiwang at ipalaganap ng mga TaguigueƱo ang pagmamahalan ngayong Valentine season.
Inihayag ni Mayor Lani Cayetano na ang naturang parke ay kinabitan ng humigit-kumulang sa isang milyong bombilya gamit ang teknolohiyang matipid sa kuryente upang makatulong na lumikha ng perpektong romantikong gabi ng pakikipag-date kasama ang pamilya, mga kaibigan, at mga mahal sa buhay.
Ang TLC Village, na matatagpuan sa kahabaan ng Lakeshore Laguna Lake Highway sa Brgy. lower Bicutan, na unang binuksan noong huling bahagi ng buwan ng Nobyembre noong nakaraang taon bilang Christmas by the Lake.
Lahat ng mga atraksyon mula sa Christmas by the Lake ay dinagdagan ng mga disenyo ng mga bulaklak bilang Love at the Park, na magbibigay ng bagong mukha na tiyak na magpapasaya sa mga bisita.
Maaaring mapanood ng mga TaguigueƱo ang iba’t ibang mga atraksyon tulad ng Aqua Luna Lights and Sounds Show kung saan ang mga nakamamanghang ilaw ay sinasabayan ng isang makapigil-hiningang musika.
Ang Love at the Park ay bukas mula alas-5:00 ng hapon hanggang 10:0 ng gabi simula ngayong Pebrero 14 hanggang Pebrero 26. (Bhelle Gamboa)