Bid para sa gitarang pirmado ng Eraserheads members umabot sa P1.3M
Umabot sa P1.3 million ang final bid para sa gitara na pirmado ng mga miyembro ng bandang Eraserheads.
Ang bidding na tinawag na “Bid para kay Gab” ay proyekto para makatulong sa gamutan ng gitarista at isa sa founding member ng Parokya ni Edgar na si Gab Chee Kee.
Bilang pagpapakita ng suporta sa gamutan ni Gab, isang gitara ang nilagdaan ng mga miyembro ng bandang Eraserheads at isinubasta.
Alas 12:00 ng tanghali ng Feb. 14, 2023 nagtapos ang bidding at umabot sa P1.3 million ang pinakamataas na bid.
Ayon sa Facebook page ng Parokya ni Edgar, ipadadala sa nanalong bidder ang detalye kung paanong makukuha ang napanalunang gitara.
Sa nasabi ring Facebook page, nagbigay ng update ang PNE sa kalagayan ni Gab.
Ayon sa PNE, binisita nila sa ospital si Gab Feb. 14, Valentine’s Day.
Nananatili itong nasa ICU subalit unti-unting bumubuti na ang kondisyon.
Nanawagan ang PNE na patuloy na ipagdasal si Gab para sa tuluyang paggaling nito.
Ipinaabot din ni Gab ang pasasalamat sa lahat ng kaniyang kabigan, kaanak, fans at iba pang patuloy na nagdarasal at nagbibigay ng tulong. (DDC)