US tiniyak ang suporta sa Pilipinas kasunod ng panibagong insidente sa South China Sea

US tiniyak ang suporta sa Pilipinas kasunod ng panibagong insidente sa South China Sea

Tiniyak ng Estados Unidos na nasa Pilipinas ang suporta nito sa panibagong insidenteng kinasangkutan ng Chinese Vessel sa West Philippine Sea.

Ang pahayag ay inilabas ng US Embassy in the Philippines, kasunod ng ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na dalawang beses na pagtutok ng laser device ng Chinese Vessel sa BRP Malapascua sa Ayungin Shoal na nagsasagawa ng resupply mission.

Ayon sa pahayag ng embahada ng US, ang ginawa ng barko ng China ay “provocative” at “unsafe”, dahil nagdulot ito ng temporary blindness sa mga crewmember ng BRP Malapascua.

Malinaw din ayon sa US Embassy na panghihimasok ito sa lawful operations ng Pilipinas sa Second Thomas Shoal.

Sinabi ng embahada na ang delikadong operational behavior ng Chinese Vessel ay banta sa regional peace and stability, paglabag sa freedom of navigation sa South China Sea na ginagarantyahan sa ilalim ng international law, at pagbalewala sa rules-based international order.

Sinabi ng US Embassy na malinaw sa ruling ng international tribunal noong July 2016, na ang People’s Republic of China ay walang lawful maritime claims sa Second Thomas Shoal.

Iginiit din ng US na salig sa 1982 Law of the Sea Convention, ang 2016 arbitral decision ay pinal na at mayroong legal binding.

Dahil dito, marapat lang ayon sa US na sumunod ang China sa nasabing desisyon.

Ayon sa US, anumang pag-atake sa Philippine armed forces, public vessels, o aircraft, kabilang ana ang pag-atake sa Coast Guard ay magbubunsod sa US na igiiit ang mutual defense commitments nito sa ilalim ng Article IV ng 1951 U.S. Philippines Mutual Defense Treaty. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *