Toyota nangako ng P4.4B na halaga ng investment sa bansa; Tamaraw FX ibabalik sa Pinas
Kabilang sa naging bunga ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan ay ang pangakong P4.4 billion na investment sa bansa ng Japanese carmaker na Toyota.
Nangako ang Toyota na magkakaroon ito ng P4.4 billion na halaga ng investment para sa produksyon ng light commercial vehicles (LCV) sa Pilipinas.
Sinabi ni Japan, Toyota Motor Philippines Corp. president Okamoto Atsuhiro, lumagda na siya sa letter of intent sa Philippine government para sa pag-invest ng LCV o IMV-0, na kilala din sa tawag na Innovative International Multipurpose Vehicle-zero project.
Inanunsyo din ng Toyota official ang pagbabalik ng Tamaraw FX model sa bansa na may mas pinaayos na engine.
Ayon kay Okamoto, bagong henerasyon ito ng Tamaraw FX na mayroon pa ring diesel engine pero mas malinis.
Pinag-aaralan din ani Okamoto ang posibilidad na baguhin ang power delivery ng ilalabas na bagong Tamaraw FX para matugunan ang concerns hinggil sa clean emissions.
Ang pagbabalik ng Tamaraw FX ay layong masuportahan ang micro, small and medium (MSME) industry sa Pilipinas. (DDC)