6,000 manggagawa ng kanseladong recruitment agency, apektado ng deployment ban sa Kuwait

6,000 manggagawa  ng kanseladong recruitment agency, apektado ng deployment ban sa Kuwait

Apektado umano ngayon ang tinatayang 6,000 na manggagawa ng kanseladong Catalist International Recruitment Agency, ang recruitment agency sa Pilipinas ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara na pinaslang sa Kuwait.

Natigil ang operasyon ng nasabing recruitment agency hindi dahil sa nangyaring kaso ni Ranara kundi sa nakaraang kaso umano ng isang Pinoy worker bunsod ng pagkakaiba o descrepancy sa posisyon sa naisyung visa at sa kontrata nito.

Panawagan ng Philippine Recruitment Agencies (PRA) sa mga mambabatas na pag-aralan munang mabuti ang agarang pagpapakansela o pagpapasara ng naturang recruitment agency.

Ayon kay PRA legal counsel Atty. David Castillon na ikinalungkot ng kanilang hanay ang nangyaring insidente sa pagkamatay ni Ranara at ipinagkaloob naman ng Catalist ang kaukulang tulong sa naulilang pamilya ng OFW kabilang na rito ang cash assistance,autopsy,funeral, temporary shelter,burial expenses,lot,araw-araw na gastusin sa lamay,insurance at iba pa.

Partikular na binanggit ni Atty. Castillon ang paghahain nila ng apela sa Department of Migrant Workers (DMW) upang muling makapag-operate ang Catalist para sa kapakanan ng nasabing mga manggagawa.

Pinasalamatan din ng abugado ang DMW na katuwang ng PRA sa maigting na pagtulong sa mga pangangailangan ng OFWs sa oras ng kagipitan.

Samantala hiniling ng PRA sa mga mambabatas at sa publiko ng kaukulang pang-unawa at konting respeto kung saan ang recruitment agency ay napakalaking industriya na konektado sa OFWs na anila’y may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.

Nanghihinayang din ang PRA sa agarang deployment ban ng OFWs sa Kuwait bunsod ng pagkamatay ni Ranara. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *