House Speaker Romualdez magbibigay ng $100,000 na halaga ng tulong sa Turkey
Magbibigay ng $100,000 o katumbas na P5 million na halaga ng tulong si House Speaker Martin Romualdez sa bansang Turkey.
Ang nasabing halaga ay magmumula sa Speaker’s Disaster Relief and Rehabilitation Initiative.
Ayon kay Romualdez, ang Turkey ang isa sa mga bansang unang tumulong sa lalawigan ng Leyte nang tumama ang Super Typhoon Yolanda.
“The assistance extended by Turkey, the United States and our allies and friends abroad helped ease the pain and suffering of our people,” ani Romualdez.
Ang Speaker’s Disaster Relief and Rehabilitation Initiative ay inilunsad noong ika-59 na Kaarawan ni Romualdez noong November 14.
Sa nasabing event, ay umabot sa P70.92 million na cash at pledges ang nalikom na ipangtutulong sa mga disaster victims.
Kabilang din sa mga tumanggap na ng tulong sa ilalim ng nasabing programa ay ang mga biktima ng sunog sa Navotas at biktima ng pagbaha sa Mindanao at Visayas.
Araw ng lunes, Feb. 13 ay personal na iaabot ni Romualdez ang $100,000 na tulong kay Niyazi Evren Akyol ambassador ng Turkey sa Pilipinas sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City. (DDC)